MUNICIPALITY OF BAY, LAGUNA, Historical Data of
The transcription of this page was done using AI technology.
[p. 1]
Ang Bayan ng Bay
Noong unang panahon, sa dakong hilaga ng lawa ng Laguna ay may isang lupaing sagana sa mga halaman tulad ng palay, mais, saging, tubo at mga gulayin. Ang pook na ito ay pinaninirahan ng masisipag, subali’t tahimik na mga tao. Ang nasabing lugar ay pinamumunuan ni Gat Pangil, isang taong matapang, nag–aangkin ng di karaniwang lakas ng loob lalo na sa labanan. Sa kabila ng kanyang katapangan, ay mayroon naman niyang magandang ugali. Para siyang isang ama kung mamuno sa kanyang nasasakupan. May tatlong anak na dalaga siya. Magaganda ang mga ito at kinagigiliwan ng mga tao. Pinangalan sila gaya ng sumusunod: Basilisa, ang panganay; Adriana, ang ikalawa; at Ester, ang bunso. Nang dumating ang mga dayuhang Kastila at nagpunla sa kapuluan ng kanilang dinadalang relihiyon, si Gat Pangil at ang kanyang tatlong anak ay nagkusang magpabinyag upang sila’y maging tunay na Kristiyano. Ang kinuhang magiging ninang sa binyag ng mga bata ay isa ring tagapook na nagngangalang Maria Makiling. Sapagka’t kinikilala sa pook ang tatlong nasabing magagandang dalaga, pinagkaisahang kunin ang unang titik ng kanilang pangalan at siyang iangkop na pangalan ng kanilang pook. Kaya’t buhat nang mabuo ang nasabing tatlong titik, iyon na naging pangalan ng kanilang lugar—BAE.
Palibhasa’y kinagisnan na ng mga mamamayan ang pagiging magalang, mabait at masunurin sa mga ipinag–uutos, palibhasa ri’y mayapakin sila sa mga magagandang binhing ipinupunla ng mga dayuhan, ang relihiyong Katoliko ay madaling lumaganap sa mga naninirahan sa Bae. Sa tulong ng mga taga–Bae ay naitindig ang unang simbahan. Sa pagtatayong iyon ng simbahan ay nagdiwang ang lahat, nagkaroon ng sayawan, inuman at awitan. Simula noon ang lahat ay nagpabinyag at pinalitan ang kanilang pagka–pagano ng pagka–
[p. 2]
Kristiyano. Nagpatuloy ang pananagana. Ang mga tao ay namuhay nang tahimik at maligaya sa ilalim ng kapangyarihan ng tatlong magkakapatid.
Palibhasa’y may dugong puti at isang dayuhan, ang paring nakatalaga sa Bae ay nagkaroon ng hangaring masaklawan ang kapangyarihan ng tatlong magkakapatid. Nag–utos ang pari na ang lahat ay dadalo sa misa kung araw ng Linggo at piyesta upang maligtas sa mga kasalanang bunga ng utos ng kapuwa tao. Ang hangarin ng pari na mangibabaw sa kapangyarihan ay ipinaglihim sa tatlong magkakapatid.
Isang araw ng Linggo, samantalang ang simbahan ay punong–puno ng mga tao, ipinag–utos ng pari sa kanyang sermon na kailangang sumunod ang mamamayan sa kanyang ipinag–uutos. Kasalukuyang nakikinig noon ang mga tao, nang biglang dumating ang utusan ng tatlong prinsesa. Hiniling sa pari na maghintay lamang ng ilang sandali bago simulan ang misa, sapagka’t nagbibihis lamang ang magkakapatid. Nagalit ang pari. Isang malaking insulto iyon para sa kanya. Nalaman ito ng utusan. Kaya’t kaagad niyang ipinabatid sa magkakapatid ang naging masamang reaksiyon ng pari. Sinimulan agad ng pari ang misa upang makasiguro na huli na ang mga prinsesa sa misa. Nang malaman ng tatlo ang ginawa ng pari, sila’y nagdamdam. Ipinadala ng panganay na prinsesa sa isang pinagkakatiwalaang tauhang si Beatre ang utos na parusahan ang pari.
Lahat ng kanyang mga kampon ay nagsipag–alsa sa pari. Si Basilisa na siyang tagapagsalita ng magkakapatid ang nagsabing hulihin ang pari at ilagay sa bilangguan sa buong maghapon.
Sa tulong ng dalawang lalaki ay dinakip ni Beatre ang pari at inilagay sa isang malaking kulungan na maaaring makita ng lahat ng dumaraan. Lahat ng tao ay nakatingin sa kanya. Pinagtatawanan ng mga bata at pinalilibutan ng matatanda.
[p. 3]
Dahil sa malaking kahihiyan ay itinungo na lamang ng pari ang kanyang ulo. Lumuluha siya sa kahihiyan.
Gabi na nang pakawalan ang pari. Pagkalabas niya sa kulungan, lumakad siyang patungo sa madilim na kumbento. Nagtungo siya sa altar; nanikluhod at nagdasal sa harap ng Santo Kristo. Dumadaloy ang luha sa kanyang mga mata. Nang maghahating gabi na, buhat sa pagkakaluhod, nagtungo sa madilim na landas na walang naririnig kundi ang huni ng mga kuliglig.
Nagtungo siya sa tabing ilog. Nakita siya ng dalawang mangingisdang walang nalalaman hinggil sa nangyari sa kanya. Nagmagandang loob sa pari ang dalawa. Itinanong kung saan siya patutungo. Sinabi ng pari na alisin lamang siya sa pook na iyon ay babayaran niya ang dalawa. Sumang–ayon naman ang dalawang mangingisda. Sinabing kahit na sila pagod ay susundin ang utos ng pari. Nagpasalamat ang pari at sila ay sumakay na at gumaod papalayo. Sa liwanag ng buwan ay nakita ng mga mangingisda na umiiyak ang pari. Nagdarasal at mga ilang sandali pa’y dinukot ang isang maliit na aklat sa kanyang bulsa; binuklat ito at bumasa ng mga dasal na hindi nauunawaan ng dalawang kasama. Pagkatapos ay tumindig at sinabi niyang tulinan ang takbo ng bangka at huwag tumingin sa kanya. Pagkatapos ay inalis ang isa niyang tsinelas at itinapon sa tubig. Kaginsa–ginsa’y isang malakas na ingay ang narinig sa isang dako. Sinagian ng malaking takot ang mangingisda, dahil sa lakas ng ugong ng malalaking alon, kulog at kidlat. Di kaginsa–ginsa’y biglang tumaob ang kanilang sinasakyan. Bago nakagawa ng hakbang upang mailigtas ang pari, ang dalawang mangingisda ay nahulog na at natangay na ng nagnangalit na tubig.
Kinaumagahan, nang magliwanag ang langit, balintuna ang nangyari, ang dalawang mangingisda ay nakitang ligtas, subali’t ang pari ay siyang hindi makita. Sinasabi ng ilan na ang bangkang yaon ay maaaring pumalo sa isang malaking bato
[p. 4]
sa ilalim ng tubig, kaya’t naglaho na’t sukat nang walang nakikita.
Sa kasalukuyan ay makikita pa rin sa dakong kanluran ng lawa ang bayan ng Bae, taglay ang mga labi ng naanbing malakas na bagyo, gaya ng nasirang simbahan, at ang labi ng matandang tahanang lumubog sa ilog.
Noong panahon ng Kastila ang bayan ng Bae ay ginawang kabisera ng lalawigan ng Laguna. Nanatili ito sa gayong kalagayan hanggang 1668 nang ang pamahalaang panlalawigan ay dalhin sa Pagsanjan.
Sinasabi ng mga matatanda na saganang–sagana ang pamumuhay rito sa unang bahagi ng ika–labing–anim na dantaon. Maraming tao ang nagtutungo rito. Ang mga nagsisimba rito’y nagbubuhat pa sa Dolores, Quezon; Batangas at ilang bayan sa lalawigan ng Rizal.
Ang mga mamamayan ng Bae ay masisipag na magbubukid at mangingisda. Ang lahat halos ng lupaing nasasakupan nito ay nabubungkal ng mga tao at natatamnan ng tubo, palay at sari–saring prutas na madalas pagkakakitaan ng salapi. Marami ring nabubuhay sa pangingisda sa Lawa ng Laguna.
Mahusay ring silang mangangalakal. Noong una’y mahusay ang kalakalan dito, subali’t nang magkaroon ng daang bakal noong 1911, sinasabing malaki ang inihina ng pamumuhay ng mga tao. Ang mga mamimili ng kopra ay lumipat na sa bayan ng San Pablo hanggang sa taong 1917.
Sinasabi ring ang ilog ng Sabang na siyang ginagamit ng mga tao sa pamamasyal o pang–hanap–buhay ay bumabaw dahil sa buhanging naanod dito. Ang mga bata at matanda na naliligaw sa ilog ay nakakapulot ng mga alahas, tulad ng gintong hikaw, singsing at pati salaping dala ng mga dayuhan. Ito ay nagpapatunay ng mga na–impok ng mga mayayaman ay dito itinapon upang makaligtas lamang sa mga tulisan.
[p. 5]
Ang bayan ng Bae ay may saklaw na 4,687 ektaryang lupain na pinaninirahan ng mga 16,949 mamamayan. Ito ay nahahanay sa ika–6 na uri ng bayan sa lalawigan ng Laguna. Nang Taong Piskal 1969–1970, ang kita ng bayan ng Bae ay umabot sa may ₱83,091.00.2
Ang mga nayon na nasasakupan ng Bae ay ang sumusunod:
- Bitin Tg. bitin ‘bigti’
- Galo Tg. galo ‘itim’
- Dila Mal. Lidah ‘tongue’
- Maitim Mal. item ‘Black’
- Maoya Tg. ma Tg. saya ‘skirt’
- Paciano Rizal Tg. Paciano Rizal, kapatid ni Dr. Jose Rizal.
- Puypoy Tg. puypoy ‘to caress’
- San Antonio Kast. San Antonio
- San Isidro Kast. San Isidro
- Sta. Cruz Kast. Sta. Cruz
- Sto. Domingo Kast. Sto. Domingo
- Franca Kast. Franca ‘frank’
2Hinango sa mga tala ng munisipyo ng Bae.
(Ang kasaysayang ito ay hango sa tesis ni Estelita C. Averion, Abril, 1971)
[p. 6]
Binigkas ni Leoncio A. Manese sa
Palatuntunan ng KAPAGPIL sa Sta. Cruz,
Laguna, noong Agosto 13, 1975.— LEOMAN
ANG ALAMAT NG BAE
I. Sa pampang ng isang lawa sa tadhana ng Maykapal
May lupaing napabunyag sa mata ng daigdigan
Isang lupang pinagpala, mayaman sa kalikasan
May bundok at mga parang, gubat, ilog at batisan;
Sari–saring mga ibon dini’t doon matatanaw
Iba’t–ibang mga hayop naglipana gabi’t araw,
Mga tao’y masisipag, binugta ang kagubatan
Nagtanim ng palay, mais, tubo, saging sampung gulay,
Nabuhay ng masasaya, tahimik ang pamumuhay
Sa pagkain ay sagana, sa paggawa’y walang humpay.
II. Alinsunod sa alamat ang malawak na lupain
Isa itong kahariang ang puno ay si Gat Pangil
Kayumanggi yaong kulay, may marubdob na damdamin
Kung sa tapang ay matapang, kung sa giting ay magiting
Mapagmahal at mabait sa maraming kampon giliw;
Tatlong anak na dalaga kanyang hiyas sa paningin
Bawa’t isa’y Kagandahan — Tatlong tala ang kahambing
Mga puso’y matimtiman, paraparang masintahin,
Tatlong Diwa, Tatlong Lakas, Tatlong Dilag ng Paggiliw
Gumagalang yaong lahat sa pagyukod na taimtim.
III. Basilisa ang panganay, prinsibini kung sa tindig
Adriana ang pangalawa, rosa–birheng mapangakit
Si Ester nga ang pangatlo, paralumang sakdal dikit,
Napabinyag na kasama si Gat Pangil na naakit
Si Maria ng Makiling ang nagninang na tumindig;
Sa inisyal nitong Tatlo, bawa’t letra’y pinaglakip
NAGING B–A–E ang lupaing yaman ng magkakapatid;
Napatayo ang simbahang si Gat Pangil ang nagtindig
Sa tulong ng kanyang kampon nangagpatulo ng pawis,
Nagdiwang ang kalahatan sa tugtugan, sayaw, awit.
IV. Buhat noon nagsimulang napabinyag bawa’t isa
Sa maraming taong–bayang sa Diyon ay kumilala
Yaong Kristong Mananakop na sa Kurus naparipa
Kinilalang Diyos Anak na timbulan ng Pagsinta;
Nang mamatay si Gat Pangil ang panglaw ay sabihin pa
Namindong ang Tatlong Anak, ang lahat ay nangulila
Masunuring mamamayan, nangagluksa ng paraparang...
Mayatmaya, bawa’t oras, tinutogtog ang plegarya,
Sa gitna ng karangyaan, sa libingang walang saya
Buong lungkot na nalagak ang labi ng haring ama.
V. Daming araw ang nalagas sa tangkay ng mga taon
Ang sipag ng taong–bayan nagkatanda dini’t doon
Kabuhayan ay umunlad, pamumuhay ay sumulong
Ang ligaya’t kasiyahan tinamo ng mga kampon,
Pag–ibig at pagmamahal sa Tatlong pinopoon
Nahubog sa katapatan sa samahang nagyumabong;
At ang Kura sa kumbento kung tawagin nila’y Among
Ang loob ay nangimbulo — ang damdamin ay tumutol
Kainggitang hindi tumpak naging tabak na pumutol
Sa magandang palagayan ng simbaha’t tagaroon. . . .
[p. 7]
VI. Sa lumaon, sa madali, dalawang lakas kung maglaban
Sasapit sa pagsusubok hinding–hindi maliliban,
Nagpakalat ng patanto yaong Pare sa simbahan
Sa oras ng pagmimisa kung Linggo at pistang araw
Makinig ang mga tao, sumimba ang mamamayan;
Ang kalatas ay panglahat, mahigpit ang kautusan
Maging Tatlong Binibini — Tat–puno ng Sambayanan
Sa bagsik ng kanya utos pati sila’y sinasaklaw
Wala manding pakundangan sa mabuting pasunuran
Ng Tatluhang Mababait at ng Kurang paladasal.
VII. Linggo noong matahimik, kaarawan nang pagsimba
Lahat halos ay naroon, nagdarasal parapar
Dumating ang isang sugo ng Tatluhang Prinsesita
Sa Kura ay nagpasabing antalahin yaong misa
Pakiusap ay magantay, nagbibihis lamang sila,
“Hindi Among magtatagal,” ang sa utusang dagdag pa;
Sa ganitong pangyayari ang Pare ay nabalisa
Sarisari ang sinabi — nagkokonyo at ponyeta . . . .
Ang loob ng inutusan nagbalik na nagbabaga
Sa Tatluhang minamahal nagsumbong na walang sala.
VIII. Di pa oras ay nagmisa, ang Kura ay di na pigil
Kahit wala yaong Tatlo ang misa ay ginawa rin,
Nang matalos noong Tatlong hiling nila’y naging asin
Na tinunao noong konyo at ponyetang sapinsapin
Pagkamuhi’y naglinggatong, puso nila’y nahilahil;
Sila noon ay naupo sa luklukang nagniningning
Buhok nilang alon–alon, malasutlang naaliw–iw
Sa sampayang gintong lantay tinutuyo noong hangin;
Ang ayos ng Tatlong Dilag ay lubhang kapansin–pansin
Kabiguang napagsapit ginugutay ang damdamin . . . .
IX. Ang panganay sa Tatluhan nang tumindig ay nagutos
“Tipunin ang ilang kampong pikit–mata kung sumunod”
Kanang kamay na si Beatre, pangunahin sa pagkilos
Nagmungkahing parusahan yaong Kurang walang taros,
“Kami po ay pagutusan, luan kami na maglingkod,
Magpasya kayong Tatlo, hatol ninyo’y masusunod,
Hindi dapat na maghari ang dayuhang mapagimbot
Katutubong laya natin hindi dapat ipasakop —
Kahilingan ninyong Tatlo di binigyang pahintulot
Gayong kayo — walang iba ang sa Kura’y nagkukupkop . . .”
X. Si Adriana at si Ester agad sabay na tumugon
Sa kay Beatreng paliwanag matibay na sumangayon
Ang lahat ay nagtindigan, buong galang at hinahong
Sumumpa sa Tatlong Dilag, lahat sila ay tutugon
Sa anomang kagustuhan ng Tatluhang pinopoon . . . .
Si Basilisang panganay, pangulo ng pagtitipon . . .
Tumindig at nagpasiyang yaong Kura’y ipakulong
Sa kulungang ihahanda papilisin ng maghapon;
At hindi mga nagkabula, si Padre kong dati’y Among
Sa kumbento ay kinuha ni Beatre at dalawang tulong. . .
XI. Nang matanto noong Kura ang malungkot na sinapit
Sa malaking laang haula doon siya ipiniit,
Sa mata ng dumaraan kahihiyay labislabis,
Napaluha yaong pare, piing–bagang na nagtiis,
Takip–silim nang alpasan — ang loob ay nagngangalit,
[p. 8]
Sa kumbento nang dumating gayon na lamang ang hapis
Ang sakrista’t mayordomo ay wala na’t nagsialis;
Nag–iisa na lumakad at sa altar ay lumapit
Boong galang na lumuhod, nagdasal na matahimik
Habang siya’y nagdarasal ay may luhang pinapahid. . . .
XII. Hating–gabi nang lumisan ang kumbento ay iniwan
Noong Pareng gulong–gulo ang isip at kalooban,
Matahimik na ang lahat, humuhuni ang wiswisan
Wari bagang natitiwa sa kay Padreng kaapihan,
Sa langit na aliwalas ang buwan ay walang kinang
Sa nagsabog na bituin ang ningning ay naglalamlam,
Pagkat bakit hindi gayon sa mata ay humihilam
Yaong luhang nagsasabing naduhagi ang simbahan,
Hinamok ang kabanalang sagisag ng katusuhan,
Ang sotanang nakasuot, nilupig ng kalipitan. . .
XIII. Baybay–dagat ay narating dalawang tao ang nakita
Mangingisdang hindi batid kapalarang sinapit niya
Pagkatapos na batiin ng paggalang itong Kura
Ang isa nga ay nagtanong, “Saan po kayo pupunta,”
Ang sagot ng ating Pare sa walang malay na dalawa,
“Ang nais ko ay mamangka, handa ako na umupa.”
“Aba, Among, masusunod ka, kami ay pagod na
Kahilingang masusunod, kami’y handang tumalima,”
At ang Kura ay lumulan, napasalamat sa dalawa
Tumulak na yaong bangka na ang dalawa’y na kanta pa. . .
XIV. Sa lilim ng isang buwang namimilog sa liwanag.
Kitangkita noong dalawa yaong Kura sa pagiyak,
Minamasdan pa rin nila ang baybaying nakalahad,
Yamang ang naka–abito’y nagdarasal na banayad
Sa kimis ng dalawang palad binuksan ang munting aklat
Sa Latin ay may winikang hindi nila natatap. . .
At ng tumindig ang Pare sa dalawa ay nagpahayag
“Pabilisin ang pagsagwan, huwag lilingon yaong atas,”
Binunot sa kanya paa ang kabaak na sandalyas
Saka biglang inihagis sa tubig ay lumagaslas. . . .
XV. At hindi na nalaunan, sa likura’y lumagunlong
Sa pangamba noong dalawa natanawa’y mga alon,
Katahimikan ng dagat, biglang–biglang nagumugong
May kidlat pang gumuguhit, ang kulog ay dumagondong
Dumating na ang sigwada, daluyong ay patungpatong
Ang sasakyan ay tumaob — ang Kura ay tumilapon
Ang bangkero’y nangunyapit, silang dalawa ay naglangoy..
Nang sumapit ang umaga’t tahimik na ang panahon
Nananagwa’y kapwa ligtas, ang Kura’y hindi natuntun,
Nalunod ang kawawa sa bagsik ng kanyang dunong.....
XVI. Sa baybayin ng kaunlaran ng aplaya noong BAE
Kung panahon ng tag–araw matatanda’y nakasaksi
Sa linaw ng tubig–dagat nasisinag dati–dati
Ang altar ng kabanalan ng simbaha’y naduhagi,
Sina–unang pinggan, tasa sa atikha’t napatabi
May ilan pang bahay doon hanggang ngayon ay may iwi;
Mayroon ding nagbabansag sa kanila ng nangyari
Sa pader na nakatayo sa malalim nagkukubli. . . . .
Mga tanda na lumubog ang unang bayan ng B A E.
[p. 9]
XVII. Aking bayang nakikinig itong kwentong ksalalahad
Ang Alamat noong BAE — ang bayan kong kulang–palad
May matanda na nagsabing lumubog ang lahat–lahat
Mga tao ay nawala, watak–watak na kumalat,
Si Basilisang panganay sa Makiling napadpad
Si Adrianang pangalawa sa Marconso na nalagak
Si Ester na bunsong hirang sa Sinukuan napadpad
Naging isang Enkantadang takbuhan ng mahihirap
Kandili ng kawanggawang nagsabog ng tuwa’t galak.
[p. 10]
MGA KUWENTO NOONG PANAHONG UNA
NANGYARI SA PUYPUY:
Si matandang Evaristo ay may kaingin sa Puypuy na tinaniman niya ng palay at mais. Noong namumunga na ang mais at ang palay ay malapit ng anihin ay nagtaka siya sa minsang pagdalaw niya at ang palay at mais ay may lugar na sira na malabis niyang pinagtakhan. Kaya, at isang gabi ay sinikap niya ang makadalaw at tingnan. Maliwanag noon, ang buwan at nakita niya ang magandang kaayusan ng kanyang palay na itinanim, at gayon din ang maisan na hindi naman kalawakan. Doon siya tumigil sa isang kubo na itinayo niya sa malapit sa kanyang taniman. Nang humating–gabi na ay nakarinig siya ng kaluskusan sa hindi kalayuan na sa kanyang pakiramdam ay palapit ng palapit. Hindi nalaunan at nakita niya na merong mga dumarating na bulaw — mga biik ng baboy–damo na sinusubaybayan ng isang tao — mataas at tuwid na tuwid ang tindig. Nang mapalapit na sa palayan ay isa–isang binuhat at itinawid ang mga bulaw upang manginain. Binantayan niya kung sino ang taong yaon. Nakilala niya na iyon ay isang tikbalang sa paa na paang kabayo. Nang makaalis na ang mga biik na isa–isang itinawid ang mga iyon upang umuwi na. Umalis siya na alam na niya kung sino ang may ka–gagawan ng kapinsalaang nangyayari sa kanyang taniman o halamanan.
Kinabukasan ng gabi ay nagbalik na siya sa kanyang kubo upang magbantay, magantay, at muling magmanman. Nagdala siya ng isang sibat na kanyang pinatulis at inihasa. Nagbantay siya at nagantay ng matagal. Kabilugan noon ng buwan at kitang kita niya ang pagdating ng mahagway na lalaking siyang sumusubaybay sa mga biik. Nang dumating na ang mga bulaw ay muling itinawid na isa–isa ng mataas na lalakeng–tikbalang. Nang makakain na ay muling itinawid na isa–isa sa mga nakabakod na sanga ng kahoy. Siya naman ay nakatayo na noon sa isang kubling pook na daraanan ng tikbalang. At nang mapalapit sa kanya ay bigla niyang sinibat, at ang mga biik at ang may alagang tao ay bigla na lamang nagtakbuhan. Hinanap niya ang sibat....wala, hindi niya makita, kaya at naniwala siya na tinamaan ang salbaheng tikbalang.
Sinundan niya ang mga biik at ang subaybay sa pamamagitan ng pagbakas sa dinaanang landas. Lakad....lakad....malapit ng mag–umaga. Sa isang kubu–kubuhan ay natagpuan niya ang kaniyang hinahanap. Nakatungo at dumaraing, humahaluyhoy, at ang sibat ay nakabaon sa may hitang tinamaan. “Ah, walang hiya ka! Iyan ang magaling sa iyo upang ikaw ay madala”, ang salubong
[p. 11]
niyang wika. “Patawarin mo ako”, ang sabi kay Tandang Evaristo ng dinatnan. “Kaawaawa ang mga biik na iyon sapagkat ang ina ay nabaril ng mga mamamaril kahapon, hindi may tatlong araw na pala.” Malapit nang mag–umaga. “Bunutin mo ang sibat na ito”, at kikilalanin kong utang–na–loob sa iyo”. “Gaganti rin ako sa iyo at makababayad ng utang–na–loob banlang araw”. Kapat ikaw ay may pabayani sa paghukay ng mga tuod ay sunugin ang buhok na ngayon ay ibibigay ko sa iyo.
Sa pamamagitan ng hangin ay makararating sa akin ang pangangailangan mo. Darating ako at ang aking mga kasamahan sa pook ng gawain upang bunutin ang mga tuod ng iyong kinakainging pook. Kung magdadala ka ng binalot para sa limang tao ay huwag kang maglalagay ng asin. At bigla niyang binunot ang isang buhok sa ulo ng tikbalang. Naawa naman si Tandang Evaristo at binunot ang sibat na nakatimo sa may hita, at umuwi na nagtaglay ang buhok na kaloob ng tikbalang.
- - - - - - - -
MIA....MIA....MIA
Sa Kabulusan ng Puypuy ng Bay ay merong naninirahang mag–asawa na ang hanap–buhay ay magdala sa pamilihan ng sari–saring bungang kahoy o dili kaya ay bibingka na ginawa ni Rosa. Ang asawa nitong si Pedro ay masipag, mabait, at masunurin sa asawa.
Isang araw ng Martes, tiyange, ay gumising sila ng maaga upang magdala na maipagbibiling mga bungang kahoy, katulad ng bayabas at gulaying kalamismis sa bayan. Ang kaisa–isa nilang anak na may apat na taon ang gulang na ang pangalan ay Maria ay naiwan sa kanilang munting bahay na nakatirik sa malapit sa isang puno ng kaong. Bago umalis ang dalawa, ay inilipat ni Pedro ang kanilang hagdan sa isang lugar na may niyog na malapit ng mamunga.
Nang tumanghali na ay nakaubos na sila ng kanilang itininda at umuwi na sila agad dahilan sa kay Maria — ang kanilang anak na naiwang nag–iisa. Nang sila ay dumating ay dali–daling inalam nila ang kalalagayan ni Maria. Sabihin pa ang tuwa ni Maria at umaasang siya ay may tatanggaping pasalubong ng kanyang ina.
Nang salubungin sila ni Maria ay sinabi sa ina ang ganito: Kanina ikaw dating dito atin. Ako iyong tawag at sabi sa akin “Mia, Mia, Mia” gusto mo ang bibingka, ika parito akin, ako bigay sa iyo pagkain.” Ang sabi ko sa iyo,” ako hindi papanaog,
[p. 12]
.... bigyan amin, ikaw parito akin.” Takangtaka ang mag–asawa dahilan sa kararating lamang nila buhat sa bayan, ay bakit ganon ang salita ni Maria.
Anak, ang sabi Ni Roza, “ngayon lamang kami dumating ng iyong ama.” Hindi ako iyong tumawag sa iyo kanina.” At ang bata ay nagsalita: “Ikaw na nunungaw doon sa itaas Kaong, at ang sabi mo “Mia, Mia, Mia”! Halika, meron ako puto bigay sa yo.” Sabi ko pa iyo, hindi ako panaog, wala hagdan, alis tatay ko.”
Naghinala ang magasa ni Pedro at Rosa na ang anak nilang si Maria ay dinalaw ng tikbalang na babae na malimit magligaw sa mga naglalakad doon sa kaputikang kabulusan. Kaya ang ginawa ni Pedro ay nagbaon ng krus sa paiibot ng kanilang bahay.
-----------------
